Hindi ka Pinoy kung di ka pa nakagamit ng tabo. Kaya naman noong unang dalawang byahe ko paglabas ng Pilipinas, patungo sa silangan, sa kabilang dako ng mundo, talagang na-miss ko ang tabo. (Sabihin na lang natin na gumawa ako ng paraan para hindi ko sya ma-miss nang husto.)
Subalit nitong huling byahe ko, isang buwan na ang nakakalipas, kakaiba ang nangyari, tila hindi ko yata na-miss si tabo, sumaglit lang sa isipan ko ngunit walang naramdamang pangugulila.
Hindi na ako nagulat makita ang nakakamanghang istruktura at arkitektura sa bahaging iyon ng kanluran. O ang mga maaayos na daan, kumbinyenteng pampublikong transportasyon, at iba pang mga bagay na di ko nakita sa lugar na pinanggalingan ko.
Itong bagay na may kinalaman sa tabo na tumambad sa akin nang buksan ko ang w.c. ng hotel na tinuluyan ko. Ito ang tila gumulat sa akin higit sa lahat ng nakita ko.

Dali-daling binuksan si Google at hinanap kung ano itong istruktura sa banyo na ngayon ko lang nakita. Bidet pala ang tawag dito. At kung nakatira ka sa Timog Europa ay hindi na ito kakaiba para sa yo. Pero para sa isang banyagang katulad ko na noon lamang nakarating sa dakong iyon ng mundo, isa iyong una at nakakamanghang karanasan.





