Pagka-iga-igaya ng Iyong Tahanan

Napakarami kong itinuturing na tahanan. Ang bahay ng aking mga magulang, ang aking dorm, ang Ateneo, ang highschool campus, kasama na rin ang elementary school. Ngunit isa lang ang nakapaghahawi ng lahat ng aking hirap at pangamba. At iyon ay ang tahanan na aking kinalakhan - sa piling ng aking mga lolo’t lola, mga taong pinakaespesyal sa aking buhay.

Nabanggit ko noong isang linggo na umuwi ako sa probinsiya dahil maysakit ang aking lola. Parang ayaw ko nang umalis doon. Nakakalimutan ko ang lahat, maging ang mga bagay na lubos kong pinapahalagahan dito sa lungsod. Ang madalas kong ginagawa, halimbawa, ang pagsusulat nitong journal at paglalathala nito sa Internet. Wala, hindi ko ito naiisip. Ang aking mga kaibigang naririto, ang mga bagay na pilit kong pinagsumikapan sa loob ng apat na taon. Balewala ang lahat kumpara sa pag-inog ng aking mundo sa piling nila.

Napaka-sentimental kong tao. Kapag may isa man lang tao na nagpakita sa akin ng kabutihan sa isang espesyal na pamamaraan, hinding-hindi ko iyon makakalimutan. Paano pa kaya ang mga taong nakapiling ko nang matagal sa aking buhay?

+++

Ngayon ko lang unti-unting natatanto na mahirap palang maging malapit sa maraming kaibigan lalo na’t hindi mo naman mapanghahawakan ang iyong kapalaran kasama sila. Darating ang panahon na sila ay lilisan. At ang maiiwan ay ang mga alaalang maganda - malungkot man o masaya.

Sa tuwing naaalala ko ang nakaraan, masaya sa una. Subalit, ang kasiyahan ay napapalitan ng negatibong pakiramdam. Lungkot na dulot ng isiping sila’y bahagi na ng iyong nakalipas na hindi na muling maibabalik. Sakit na dulot ng maaari pang ikatagal ng panahong paulit-ulit mong iisipin ang tungkol dito.

Subalit anumang damdamin ang nananaig, hindi pa rin nawawala ang pagmamahal. Natutuwa kang sariwain ang nakaraan dahil sa pagmamahal na iyong natamo at naramdaman. Para sa akin, ito na lamang ang aking mapanghahawakan. Na sa panahong ako ay malaya na, hindi ko na kailangang malungkot at masaktan dahil sa mga alaala. Naniniwala akong lahat ng mahahalagang nilalang sa aking buhay ay makakapiling ko sa dako pa roon.

3 Responses to “Pagka-iga-igaya ng Iyong Tahanan”

  1. aeyan Says:

    heheh . . . first time kita narinig / nabasa na ganyan kaseryoso . . . heheh . . . kung kailangan mo ng kausap, piso lang ang layo ko, k? ^_^

  2. Anonymous Says:

    tlga lng ha… mraming mabi2ling kausap dyan including me.

  3. Anonymous Says:

    dai nman u drama life, pwude u mag sulat ng nobela.

Leave a Reply