Dahil
Sumulat ako sa ‘yo dahil hindi kita makausap nang tuwiran. Gusto ko talagang humingi ng paumanhin sa lahat. Sa kabila nito, gusto ko ring magpasalamat.
Paumanhin dahil hindi kita naalala sa mga pinagdaraanan kong paghihirap. Alam kong palagi namang ganito. Sinasarili ko ang problema kahit alam kong lagi ka namang nandyan sa tabi ko. Sinusubukan ko talagang isipin ka sa tuwing nangangailangan ako ng tulong. Ngunit, hindi pa ako handa upang tanggapin ka. Humihingi ako ng paumanhin para dito. Ginagawa ko naman ang aking makakaya upang isama ka sa aking buhay. Sana, tulungan mo ako.
Paumanhin dahil hindi na kita nakakausap. Nahihiya na talaga ako sa ‘yo. Ikaw tong palaging nandyan at naghihintay na kausapin ako pero hindi kita pinapansin. Sana maunawaan mo ako. Paumanhin.
Paumanhin dahil sa makailang beses mo nang inilalaan ang iyong pagkakaibigan sa akin, hindi ko pa rin lubusang natatanggap. Ang hinihiling ko lamang ay panahon. Alam mo namang mula pa noon ay kaibigan na ang turing ko sa ‘yo at nais din kitang maging kaibigan. Paumanhin uli.
-
Habang sinusulat ko ito, nagdaraan na naman ako sa isang napakahirap na yugto ng aking buhay. Gusto ko na talagang sumuko kung hindi lang ako nahihiya sa mga taong tumanggap sa akin bilang kaibigan. Sa huling sandali, ang pananatili ko ay pagpapakita na rin ng suporta sa kanila kahit na sabihing wala naman talaga akong maitutulong.
Marami na talagang posibilidad ang pumapasok sa utak so sa tuwing nanaisin kong sumuko na. Unang-una, tutal hindi ko pinangarap ang ganitong klase ng buhay, maaari ko namang balikan ang buhay na kinagisnan ko. Yung mga pagkakataong, nasasabik ako kahit sa isang siopao lang na pasalubong ni Mama. Gusto ko ring maglayas at danasin ang kakaibang buhay. Siguro sa kalye o sa squatter’s area. Malamang wala namang makakakilala sa akin doon kaya isang magandang oportunidad sa pagbabagong-buhay.
Nagsisisi ako sa mga desisyon ko sa nakaraan. Ngunit wala nang silbi pang mabuhay sa nakaraan. Para sa akin, ang mahalaga naman ay may matatag kang desisyon sa tuwing haharangin ka ng pagsubok.
Kung sakaling hindi ko na talaga kaya, maluwag ko sanang matanggap ito. Sa unang pagkakataon, mapapatunayan ko sa aking sarili at sa ibang tao na kaya kong kilalanin kung hanggang saan lamang ako - kung ano ang aking limitasyon. Dati kasi’y nabuhay ako sa isang mundong puno ng kompetisyon. Kompetisyon na syang susi para makamtan mo ang isang mas magandang edukasyon. Sa ibang salita, kailangan mong mapunta sa section one kung gusto mong matuto. Sa pagtungtong ko sa kolehiyo, akala ko mawawala na ang ganoong sistema. Malaki ang hinanakit ko sa patakaran ng unibersidad sa mga kurso sa syensya at inhinyeriya. Dahil ba sa dito karamihan napupunta ang mga iskolar na libre lamang ang matrikula? Ewan ko lang.
