Animo'y napakahaba ng dalawang araw na ito para sa akin bagama't kahapon ay umalis ako ng bahay para dumalo sa NAMFREL training sa unibersidad. Marami kasing ginagawa kaya hindi ko napapansin ang oras sa nagdaang mga araw.
Magdiriwang na pala ang NAMFREL o National Movement for Free Elections ng ika-20 kaarawan ngayong taon. Noong taong 2001, nanilbihan din ako dito bilang volunteer. Ngayon, bilang pagsalba sa aking sariling konsensya sa kawalan ng pagkakataon kong bumoto sa halalan, nais ko sanang magboluntaryo bilang watcher, ibig sabihin, ang puwesto ay duon mismo sa voting center, kadalasan mga paaralan. Pero alam kong malayo at baka hindi ko kayanin ang gawain kaya doon na lang ako sa district office bilang encoder/reader.
Nangangailangan pa pala ang distrito namin ng mahigit sa 2,000 boluntaryo. Mayroong orientasyon sa ika-25 (mamaya) sa Faura AVR ng Ateneo de Manila. Kung nais ninyong sumapi ngunit di kayo nakapag-training, inaanyayahan pa rin kayo bilang walk-in volunteers. Gaganapin ang quick count sa nabanggit ding building sa Mayo 11-16. Maaaring sigurong magtaong dito.






