Ignatian Retreat: Ikalawang Bahagi
*buntong hininga dito*
Ilalagay ko sana dito yung mga salitang nais kong sabihin noon. Ang magulong isipan, ang mga pagtatanong, ang galit at hinanakit. Ngunit hindi ko man lang natapos ang “speech” at ngayon may kasagutan na. Hindi ba’t nais kong sumali dito sa organisasyon kung saan nakikita ko ang aking sarili na may silbi at makakatulong sa aking kapwa? Iyon ang dahilan kung bakit may hinanakit ako sa mga tao sa aking paligid. Sinisisi ko sila kung bakit naiisip ko na isa akong mayabang na nilalang na ipapangalandakan ang edukasyong natamo sa Ateneo at sabihin sa kanila na hindi nila ako naiiintindihan.
Hindi ko pala dapat sila sisihin.
Noong retreat, pinagmunimunihan namin ang tungkol sa mga basic tendency ng tao na maaaring makasama at magdala sa kanila sa masamang espiritu. Isa na dito ang pride.
Bago pa man ang retreat, naamin ko na sa aking sarili na malakas ang hatak sa akin ng sarili kong egoismo. Humahanga din ako doon sa kasama ko sa organisasyon dahil lantarang inamin niya ang masamang panig ng kanyang pride. Totoo ngang isang mitsa ng aking kamatayan ng pagiging mayabang ko. Maraming bagay itong inaalis sa akin upang hindi ako maging isang dinamikong tao. Ang gawa ng diablo ay pigilan ang pagbabago upang malugmok tayo sa anumang hirap na kinasasadlakan natin. Malamang hindi lamang ang pagiging mayabang ang nagiging mitsa ng kamatayan ng isang tao. Oo, ang 7 capital sins.
Subalit sa paglapit natin sa Panginoon at pagkilala sa ating mga kasalanan, nararamdaman natin na hindi tayo nag-iisa. Nariyan lamang siya at kasama natin saan man tayo magpunta. Isang biyaya ang pagkilatis sa sariling mga kahinaan at hindi lahat ng tao ay biniyayaan nito. Subalit hindi rin naman nangangahulugan na hindi na tayo mapapalapit sa Diyos kapag wala tayo nito. Dito pumapasok yung mga napag-aralan natin sa Teolohiya. Isang matinding paniniwala at pagtitiwala.
–
Dadako ako sa medyo hindi “high” na rasyonalisasyon nito. Sa aking karanasan sa pagdarasal, naniniwala ako na nariyan ang Panginoon at naghihintay sa akin. Nagpaparamdam, nagbibigay ng paalala o kaya nakikinig.
Mahirap para sa isang taong nabuhay sa syentipiko at rasyonal na mundo, kagaya ko na agad na maniwala at magtiwala sa mga bagay-bagay na tulad nito. Hindi naman ako lumaki sa isang relihiyosong pamilya. Ang paniniwala na aking kinagisnan ay panatikal. Nang malaman ko ang mga bagay tungkol sa repormasyon at sa ginawang pagtalikod ni Luther sa Iglesia Catolica, nawala ang aking paniniwala sa simbahan at namuhay na walang pinagkakatiwalaan kundi ang sarili. Hanggang ngayon ay bakas pa rin sa akin ang desisyong ginawa ko noon - hindi ako nagsisimba at nagdarasal.
Sa taong nakalipas, naganap sa akin ang mga bagay na tuluyang makapagpapabago ng landas na aking tinatahak. Marami nga ang nagbago sa akin nang sinubukan kong lumapit sa Kanya. Natutunan kong ipaubaya sa Panginoon ang anumang bagay na aking ginagawa. Dati’y madalas kong isisi sa aking sarili ang mga pagkakamaling nagawa ko. Subalit sa tuwing naibabahagi ko ito sa Kanya, gumagaan ang pakiramdam.
Naaalala ko ang mga paniniwala ko dati na ang Diyos ang ginagawang buntunan ng sisi ng mga tao. Mali pala. Ang paniniwala ay nakapagbabago ng buhay - nang tuluyan.
