Letter of Acceptance

Letter of Acceptance

Hiindi ko pa yata nababanggit na noong nakaraang 2 linggo, nakatanggap ako ng sulat mula kay G. Josemaria, yung aming pangulo sa org. Iniimbita nya akong mapabilang sa council ng org. Eto yung sagot ko…

21 February, 2004

Matagal ko na pong itinatanong sa Diyos kung paano ako makapaglilingkod Kanya. Nang dumating po ang ACIL, alam kong isa itong kasagutan sa aking paghahanap. Sa loob ng halos isang taon kong pamamalagi sa organisasyon, sa bawat linggo na pagbisita namin sa Konsti, natutunan ko ang halaga ng paglilingkod. Alam ko pong hindi layunin ng organisasyon ang maging mga “tagapagligtas” bagkus ay ipahayag sa mga tao na mayroon pang pag-asa sa kabila ng pakikibaka sa masalimuot mundo. Masaya ang maglingkod lalu na kung ito ay para sa kapwa at sa Diyos. Malaki rin po ang naidulot ng mga formation sessions upang mas laong mapalapit ako sa Diyos at maunawaan ang mga bagay na nais niya para sa akin. Hindi po ako nagsisisi sa mga Sabadong ginugol ko kasama ang mga bata sa erya at kasama ang aking mga ka-Konsti.

Nang dumating po ang sulat mula sa inyo, alam kong hindi ko mahihindian ang panawagan ng paglilingkod. Isa pong karangalan ang mabigyan ng pagkakataon upang makapamuno sa isang organisasyon na tulad ng ACIL. Naipangako ko na po sa aking sarili at sa kapareha ko sa erya na ipagpapatuloy ko ang pagiging miyembro ng ACIL hanggang sa huling taon ko sa unibersidad. Hindi ko po inaasahan na may mas mataas pa palang antas ng panawagan maliban doon. Sa darating na taon, mas magkakaroon ng kabuluhan ang pananatili ko sa unibersidad dahil dito. Kaya tulad ng nakaraang taon, iaaalay kong muli ang aking mga “Sabado” at ibabahagi aking oras upang lubos na makatulong sa organisasyon.

Maraming salamat po sa pagkakataon na ipinagkaloob ninyo (sampu ng iyong mga kasama) sa akin upang maging bahagi ng mga taong naglilingkod sa Kanya.

Nagpapasalamat nang lubos.

Nakakatawa ba? Hindi naman siguro. Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba. Nitong Sabado lang, kakatapos pa lang ng orals ko sa Philo nang tumungo ako sa San Jose Seminary para sa aming formation session. Syempre nanduon si Ate Jack. Sinabi niya nang pabiro na dalawa lang daw ang kahahantungan ng mga Atenista. Kung ikaw yung tipong mabuti, mabait, nais maglingkod sa kapwa, etc. sasali ka raw sa JVP. Kung ikaw naman daw yung masama, gusto sa pera, etc. pupunta ka daw sa PnG at magiging galamay ni Satanas. Hehe. Natatawa lang ako dahil sa tingin ko, ganito talaga ang tingin ko sa mga tao dito sa min…

Kung mapupunta ako sa korporasyon, sa tingin ko, tiyak na nagpapagamit lang ako sa mga mapang-aping elemento ng lipunan… Wala lang…

Leave a Reply