Nais ko
Nais ko talagang maging makabuluhan itong espasyo kong ito sa internet. Hindi naman kasi biro ang ibinabayad ko dito. Marahil sa iba ay oo, subalit naaalala ko ang mga taong naghihikahos. Sa upa ko sa webspace na to na 200 piso kada buwan, marahil ay sapat na ito upang punuan ang sikmura ng isang pamilyang nagdarahop sa lansangan.
Oo, nais kong magpakabayani. Iyon ay dahil sa ganuon ako at hindi ko ikinakaila na nais kong tumulong sa aking kapwa. Ilan patak ng luha na ba ang aking sinayang habang iniisip ang kanilang kalagayan at ang kawalan ko ng kakayahang makatulong?
Aminado ako na sa kabila ng pagsakripisyo ng sarili na ito, ay isa ring makasariling layunin. At iyon ay ang kaligayahan ng aking sarili. Nadarama ko ang pinakamataas na antas ng ligaya sa tuwing nakakapag-abot ako ng tulong sa isang taong kapus-palad. Isa ngang makasariling intensyon subalit may buting dulot. Sapagkat hindi rin naman madali para sa isang taong iba ang oryentasyon na tumulong upang lumigaya.
